Bakit madaling liparin ng hangin ang mga buhangin sa sulok ng isipan?
Naaalala ko pa’t katingkaran ng araw… Tila paraiso ng kalungkutang sa paligid ay matatanaw… Mga pinunlang alaala’y patungo na sa wakas… Dalamhati sa mga puso’y di na mapigil ang labas… Hindi mapipigil ang luha, mangingibabaw ang pait… Dala ng hiwalayang nakatakda ang paglapit… Subalit yaring hangi’y sadyang hindi makatiis… Pangakong magkikitang muli’y sadyang binigkis…
Isa, dalawang linggo, tatlo, apat na buwan, lima, anim na taon o higit pa… Lumilipas ang mga araw at nadaragdagan pa ng iba… Nasaan na ang ihip na sa puso’y nagpatila… Nasaan na ang bulong na tagusan sa dalita… Mga kaluluwang lumulutang sa karagatan ng pagbabago… Kasama ang mga buhanging nililipad sa may ibayo…
Ano’t narito pa rin, ang nakaraa’y nakasuot… Nakatunghay sa ulap, mga alaala’y dinudukot… Pilit mang itinatago ang pagkabalisa… Walang kasiguraduhan ngunit malamang ay nag-iisa… Taon man ang bilangi’t ilang beses mang banggitin… Sadyang wala na ang kahapong usapa’y di lilimutin… Di kayang pigilin, pagluha ng kalangitan… Paano pa ang dating nilalamon na ng kawalan…
Sadyang hindi na maibabalik ang mga bukambibig ng kahapong sadyang ibabaon na lamang sa limot…